Ang loyalty ay isang katangiang madalas
hinahanap ng mga manager sa kanilang mga empleyado. Bakit nga ba hindi?
Isa itong mahalagang sangkap sa
pagtatagumpay hindi lamang ng isang team kundi ng organisasyon sa kabuuan.
Madalas, iniuugnay ito sa tagal at haba ng pananatili ng empleyado o sa
kahandaan nitong gawin ang lahat para sa kanyang trabaho - ito man ay pagtatrabaho
ng extended hours o pagsasakripisyo ng pansariling kapakanan.
Subalit sa ulat ng International Labor
Organization (ILO) ng United Nations noong 2011, ang mga organisasyon ay
nagtala ng 10% hanggang 30% employee turnover o pag-alis ng empleyado. Ibig
sabihin, sa bawat 100 empleyado ng isang tipikal na kompanya, 10 hanggang 30
ang umaalis at lumilipat sa ibang trabaho. Sa kabuuan, ipinakikita ng ulat na
ang ugat ng pag-alis ng empleyado ay ang bumababang loyalty sa organisasyon.
Ganon din, ang employee turnover ay isa sa mga hamong kinakaharap ng maraming
organisasyon, na kung hindi matutugunan ay maaring magdulot ng pagkabigo sa
pagkakamit ng mga plano at malaking gastos.
Ito ang dahilan kung kaya maraming
organisasyon ang naglalaan ng oras at salapi sa mga programang makapagpapatibay
sa employee loyalty, gaya ng pagbuo ng HR Department, pagkilala sa length of
service, paghuhusay ng mga benepisyo, makatwirang halaga ng suweldo, trainings
at iba pa. Ngunit ang tanong, kung maibigay nga ang mga ito, sapat na ba upang
ang isang empleyado ay maging loyal sa organisasyon? Sa librong First Break All
the Rules: What The Worlds' Greatest Managers Do Differently na isinulat nina
Marcus Buckingham at Curt Coffman, sinasabing "employees don't leave jobs,
they leave managers." Kung ang isang empleyado ay hindi makasundo, hindi
gusto, at hindi iginagalang ang kanyang manager, ito ay aalis sa organisasyon
kahit pa gaano kalaki ang suweldo o kahit pa gaano kaganda ang benepisyo.
Ito ang katunayan na malaki ang papel na
ginagampanan ng isang manager hindi lamang sa mahusay o palpak na performance.
Higit sa lahat, ang isang manager ang may pinakamalaking maaring iambag sa
pagpukaw at paghubog ng loyalty ng isang empleyado. Kahit anong programa o
benepisyo ang ipatupad o kahit gaano pa kaganda ang intensyon ng organisasyon
na alagaan ang mga empleyado nito, nasa paraan ng paghawak ng isang manager
kung paano ito mararamdaman ng empleyado.
Ang manager ang kumakatawan sa
organisasyon at nasa paraan ng pakikitungo niya naipahahatid sa mga empleyado
ang mensahe ng pangangalaga ng iniuukol ng organisasyon.
Sa lathalaing isinulat ni Alan E. Hall,
CEO ng isang organisasyong tumutulong sa mga entrepreneur sa pamamahala ng
kanilang mga negosyo, hindi lamang tinalakay ang papel na ginagampanan ng isang
manager, upang ang empleyado ay maging kuntento at masaya sa kanyang trabaho.
Ibinigay din dito ang ilang gabay na makatutulong sa paghubog ng employee
loyalty:
1. Hindi ito tungkol sa suweldo.
Sa
simula, maaring ang nakaakit sa empleyado para manatili ay ang malaking suweldo
o ang magandang benepisyo. Subalit kung ang ugnayan ng empleyado at
organisasyon ay nakasentro sa pera, ang employee loyalty ay nagiging
kondisyunal. Ang totoong katapatan o loyalty ay isang emotional bond at hindi
nabibili ng anumang halaga ng pera. Higit sa malaking sweldo, ang mahusay na
pamamahala ng isang manager ang nakapagpapayabong ng loyalty ng empleyado sa
organisasyon. Kapag nasasabi ng empleyado: "ang manager ko walang pakialam
sa akin, ang gusto lang niya target!" ito ay pasimula ng suliranin sa
ugnayan ng manager at empleyado.
Walang mawawala kung ang isang manager
ay maglaan ng oras na umupo at kausapin ang empleyado sa kung kumusta na siya,
ano ba ang ang mga plano at nais niya mula sa kanyang manager. Karaniwang
isasagot ng isang empleyado: gusto kong igalang mo rin ako kagaya ng paggalang
ko sayo, kapag nakagawa ako ng mabuti purihin mo ako, kung nagkamali ako hayaan
mo akong bumangon at matuto sa mga naging mali ko, maging sensitibo ka sa mga nararamdaman
at sitwasyon ko. Sa paglalaan ng oras sa mga ganitong pag-uusap, hindi lamang
magbubukas ang empleyado ng kanyang damdamin at kaisipan, lalo na sa ganitong
paraan mararamdaman ng empleyadong siya ay mahalaga.
2. Pagkilala at pasasalamat.
Nang mayroon
kayong kailangang tapusin hanggang dis oras ng gabi, nagpasalamat ka ba sa mga
empleyado ng matapos kayo? Minsan, ang maliliit na bagay na ito ang
nakakaligtaan ng mga manager.
Kahit gaano pa katagal nagsasama ang
isang empleyado at ang isang manager, kailangang maramdaman ng empleyado na
nakikita at kinikilala ng kanyang manager ang lahat ng kanyang pagsisikap. Ang
pagsasabi sa empleyado kahit ng simpleng rekognisyon kagaya ng: "magaling
ang ginawa mo!" o "mahusay ang performance mo!" ay naghahatid ng
malinaw na mensahe na sila ay kinikilala at pinahahalagahan. Kapag ang isang
empleyado ay napupuri lalo na sa harap ng iba, sila ay nagiging mas ganado at
masigasig sa paggawa. Madalas, hindi naman posisyon at titulo ang kailangan ng
empleyado, kundi ang pagkilala sa kanyang husay at kakayahan.
3. Pride and ownership.
Ang empleyado ay
mas umuunlad kung siya ay mayroong sense of ownership sa kanyang paggawa. Kung
ang empleyado ay hinahayaang mag-isip ng solusyon at lutasin ang mga suliraning
kinakaharap sa trabaho, mag-desisyon at magpasya, siya ay nasasanay hindi
lamang sa critical thinking kundi maging ng accountability.
Kung ang isang empleyado ay may bahagi
sa mga hangarin at panaginip ng kanyang team, siya ay gagawa hindi lamang dahil
ito ang kailangan kundi dahil ang mga ito ay parte ng kanyang mga personal na
hangarin at panaginip. Dapat isipin ng isang manager, higit sa pamumuno sa
isang team, siya ay inilagay sa unahan ng mga empleyado hindi upang takadaan
sila kung ano ang dapat abutin. Ang mas mahalagang papel ng manager ay ang
pukawin ang kanilang kalooban upang abutin ang mas matatayog pang panaginip.
4. Negatibong kompetisyon at pulitika.
Ang kompetisyon sa loob ng team ay maaring magdulot ng mabuting epekto, ngunit
ang palagiang pagkukumpara at tila pagsasabong ng isang manager sa kanyang
dalawang empleyado ay nakasisira hindi lamang sa samahan ng dalawang
pinagkokompetisyon, kundi sa ugnayan ng manager at ng kanyang empleyado. Ang
isang manager din ay dapat na mulat sa mga empleyado o grupo na pinagmumulan ng
hindi magandang kwento o hindi mabuting pakikitungo laban sa kapwa empleyado.
Ang manager ay dapat na may kamalayan kapag ang pulitika sa loob ng kanyang
team ay nagdudulot na ng kasiraan at hindi magandang ugnayan. Sa ganitong
sitwasyon, kinakilangan ang matibay na paninindigan ng isang manager na ang
ganitong gawain ay hindi katanggap-tanggap at dapat na iwasan.
5. Maging mapagkakatiwalaan.
Kung ito
ang hinahanap ng isang manager sa kanyang mga empleyado, ito ay dapat magsimula
sa kanya. Ang sabi nga: trust is earned, hindi ito maaring sapilitang hingin.
Sa paglipas ng panahon, sa pamamagitan ng mga positibong pag-uugali, saloobin,
at pakikitungo sa mga empleyado, nakukuha ng manager ang tiwala ng kanyang
empleyado.
Nararamdaman ng empleyado kung ang
pakikitungo sa kanya ng manager ay sinsero o papogi lang. anuman ang posisyon
ng isang empleyado, ang manager na tapat at marangal ay iginagalang at
minamahal. Sa kabalintunaan, ang manager na nagsisinungaling, hindi patas,
mapang-insulto, o mapanisi ay iiwan ng kanyang empleyado. Muli ika nga,
"employees don't leave jobs, they leave managers."
Maaring sabihin ng isang manager na ang
loyalty ay isang katangiang dapat ay likas ng taglay ng empleyado.Maaari.
Ngunit hindi ba't mas mainam na tingnan ng isang manager ang loyalty bilang
isang outcome at hindi bilang isang expectation? Isang katangiang nahubog sa
paglipas ng panahon dahil sa gabay at inspirasyong dinulot ng isang manager, at
hindi isang katangiang agad ay inaasahang taglay ng empleyado? Iisa ang lundo:
ang pagtubo ng isang empleyado ay nakasalalay sa kung paano siya igigiya ng
kanyang manager- tutubo ng malusog at kasiya-siya o mananamlay at tuluyang
matutuyo.