 |
| [Photo source: http://definitelyfilipino.com] |
Walang kasing sakit para sa
isang magulang iwanan ang kanyang
mga supling upang mangibang-bayan. Di alintana ng ating mga Pinoy OFW’s ang
lahat ng hirap at panganib, maitawid lamang ang kanyang pamilya sa mas maalwan na
bukas, mas matiwasay na pamumuhay at mas maayos na kalagayang pang pinansiyal.
Minsan ang sistema,
dahil sa kamag-anak system na ating
minana pa sa ating mga ninuno, ang pangingibang bayan ng isang OFW ay
nahahaluan ng kulay, lalo pa’t narito na ang kinang ng salapi.
Hindi maitatatwa ang
pulitikang pampamilya. Siraan at pagmamalabis ng ilan nating mga kababayan ay
parating nandyan. Mayroon pa nga akong isang kaibigan na nahiwalay sa kanyang
maybahay, dahil pareho silang nag-aabroad nagkaroon sila ng hindi
pagkakaunawaan.
Siniraan ang aking
kaibigan ng mismong ina ng kanyang maybahay. At sa bandang huli, masakit na
paghihiwalay ang nangyari sa kanila.
Naawa na lamang ako
sa kanyang mga supling na hindi na niya nakita pang muli. Umalis ang kanyang
maybahay, at dahil common law lamang ang kanilang pagsasama ay nakapag-asawang
muli ang babae sa isang Filipino na sa US na nakabase.
Bukod sa kinahaharap
na problemang pampamilya, nagkakaroon
din sila ng mga domestic problems na ikinasi-sira ng kanilang pagsasama.
Kung uugatin ang
problemang aking nabanggit na luma-labas na pangkaraniwan na lamang sa ating
bansa, lalo pa sa mga nagtra-trabaho sa ibang bayan, isa sa totoong dahilan ng
paglabas ng mga Pinoy sa ating bansa ay kawalan ng opor-tunidad na buhayin ang
kanilang pamilya dito sa Pilipinas.
Masakit mang isipin,
ngunit binabansagan na tayo ng ibang bansa na “nation of slaves”. Di naman
natin ito mai-aalis dahil sa dami ng ating mga kababayan na puma-pasok ng
domestic helpers, caregivers at iba pa upang mabuhay at kumita kahit na malayo
sa kanilang mga mahal sa buhay.
Kaya siguro ay
panahon na upang asikasuhin natin ang ating mga OFW’s na gumagawa ng lahat ng
paraan upang makapag-trabaho sa ibang bansa. Iba na raw kasi ang kumikita ng
Dollars.
Marami na ang mga bali-balita
tungkol sa mga masasamang sinapit ng mga sinawing palad na mga kababayan natin
sa naging karanasan nila sa bansang kanilang pinag-trabahuhan.
Subalit nabingi na
yata ang mga nagnanais na makapag-trabaho sa ating karatig bansa. Talagang di
na sila paaawat kahit pa ito ay maging sanhi ng kani-kanilang buhay. May mga
katwiran kasing “kapag oras mo na, oras mo na.”
Kaya para sa mga pulitiko natin, maawa na kayo sa
ating mga kababayang naghahangad na makapag-trabaho, isakatuparan na natin ang tunay
na repormang pangkabuhayan, ito ay kailangan ng ating mga kababayan upang
manatili na lamang sila sa kani-kanilang mga pamilya. Pag ito’y naganap,
masarap na matawag na tayo’y Pilipino.